CAGAYAN DE ORO CITY – Inumpisahan na ang ground breaking sa most affected area (MAA) na pagtatayuan ng vertical projects na kinabibilangan ng government buildings sa lungsod ng Marawi, Lanao del Sur.
Alinsunod ito sa kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang matapos ang rehabilitasyon at reconstruction sa siyudad pagdating ng taong 2021.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Task Force Bangon Marawi Chairman Sec. Eduardo del Rosario na ang ground breaking ay hudyat na masisimulan na ang agpapatayo ng mga barangay complex sa 24 na barangay na apektado ng limang buwang engkuwentro ng state forces at grupong Maute-ISIS noong taong 2017.
Sinabi ni Del Rosario, agad na isusunod ang road networks upang mapadali ang pagtatayo sa madrasa at health centers maging terminal para sa mga taga-Marawi City.
Dagdag ng kalihim na lalagyan rin ng traffic lights, state of the art CCTV cameras at street lights ang business hub ng lungsod na higit dalawang taon nang hindi napapakinabangan.
Kung maalala, naglaan ng gobyerno ng P60.1-bilyong pondo para pagandahin ang lungsod at tuluyang makabalik na ang libu-libong internally displaced persons (IDPs) na nagtitiis lamang sa mga temporary shelters.