-- Advertisements --

Naghain ng protesta ang ground commanders ng Western Mindanao Command laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) kaugnay sa madugong engkwentro sa Sumisip, Basilan noong Miyerkules, Enero 22.

Sa isang press briefing sa Armed Forces Western Mindanao Command Hospital, sinabi ni Armed Forces of the Philippines chief Gen. Romeo Brawner Jr. na naghain ang lahat ng ground commanders na nakatalaga sa Western Mindanao Command area matapos mapag-alamang mga miyembro ng MILF ang ilan sa mga salarin sa pananambang na tumulong sa grupo ng lawless elements na pinamumunuan nina Najal Buena at Oman Hajal Jalis.

Sumulat ang ground commanders ng protest letter sa pamamagitan ng Government Panel for Hostilities-Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities.

Ayon sa AFP chief, iniulat na rin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang insidente.

Tiniyak naman ni Brawner na kanilang tutugisin ang lawless elements na nasa likod ng iligal at bayolenteng gawain laban sa mga tropa ng gobyerno.

Samantala, personal ding binisita ni Gen. Brawner ang mga nasugatang sundalo na naka-confine sa Armed Forces Western Mindanao Command Hospital at sa Isabela city, Basilan.

Nakatanggap ang mga ito ng pinansiyal na tulong mula sa militar. Ginawaran din ng AFP chief ang mga sugatang sundalo mula sa 32nd Infantry Battalion ng Wounded Personnel Medal para sa kanilang katapangan at kabayanihan.

Matatandaan na nangyari ang pananambang sa mga sundalo habang ini-eskortan ng mga ito ang UN Development Programme patungo sa Barangay Upper Cabengbeng. Pinagbabaril ang mga sundalo nang binabaybay ng mga ito ang kalsada sa Barangay Lower Cabengbeng na ikinasawi ng 2 sundalo at ikinasugat ng 12 iba pa.