Nagpadala na ng pwersa militar at armoured tanks ang Israel sa border ng Gaza dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan at pagpapakawala ng rockets mula sa Palestinian militants.
Ayon sa Health Ministry ng Gaza, pumalo na sa 103 ang namatay sa loob ng apat na araw kung saan maraming sibilyan ang nadamay kabilang na ang nasa 27 mga bata habang karamihan sa nasawi ay Islamist militant group Hamas dahil sa mga pumalyang rockets mula rin sa kanila.
Ipinosisyon daw malapit sa border ng Gaza ang dalawang infantry units, isang armoured unit at 7,000 army reservist para sa karagdagang pwersa.
Wala pang desisyon sa ngayon kung maglulunsad ang Israel ng ground operation.
Ipinag-utos ni Defense Minister Benny Gantz ang naturang massive reinforcement ng security forces para masawata ang nangyayaring tensyon maging sa loob ng kanilang bansa kung saan nagkakaroon na rin ng gulo sa pagitan ng Jewish at Israeli Arabs na nagresulta sa pagkakaaresto ng tinatayang mahigit 400 katao.
Sinasabing umaabot na sa mahigit 2,000 ang pinakawalang rockets ng Hamas.