BOMBO RADYO DAGUPAN — Naging matagumpay ang isinagawang groundbreaking ceremony ng 5-storey multi-purpose building ng Department of Health Region 1 at bagong pasilidad ng National Bureau of Investigation Region 1 na ginanap sa lalawigan ng La Union sa pangunguna ni Senator Imee Marcos.
Ayon kay Ronnel Tan, Regional Director ng Department of Public Works and Highways Region 1, sinabi nito na si Senadora Marcos ang naguna sa pagpopondo ng mga panibagong gusali para sa layuning mas lalo pang mapabuti ang pagseserbisyo sa mga mamamayan ng rehiyon.
Ito rin aniya ang naging bilin sa kanya ng mambabatas lalo na sa kadahilanang luma na rin at napakaliit ang gusali ng NBI sa nasabing lalawigan.
Saad nito na nasa mahigit P100-milyon ang ipinundar na pondo para sa pagpapatayo ng bagong NBI building at gayon na rin sa gusali ng DOH.
Ngunit mayroon pa naman aniyang karagdagang pondo na ibibigay ang gobyerno para sa mga ito sa susunod na taon upang mas mapabuti pa ang mga pasilidad at serbisyo ng mga nasabing ahensya sa publiko.
Samantala, isinalarawan naman ni Sen. Imee Marcos ang lalawigan ng La Union bilang “Model for Excellence in Hospitals as Enterprise and Other Development”.
Sa kanyang mensahe sa ginanap na groundbreaking ceremony ng bagong mga gusali ng DOH Region 1 at NBI Region 1 sa lalawigan ng La Union, sinabi nito na ang probinsya ang tinitingala ng buong Ilocos Region pagdating sa kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Aniya na hindi nararapat para sa isang lugar na kinikilala bilang sentro ng mahusay na serbisyo sa taumbayan ang sira-sirang mga tanggapan, kaya naman naging inisyatibo nito ang paglalaan ng pondo upang makapagpatayo ng panibagong mga gusali para sa DOH at NBI.
Idiniin ng Senadora na layunin ng pagpapagawa ng mga bagong gusali ng mga nabanggit na ahensya ay ang upang tugunan ang mga prayoridad sa pagpapabuti ng mga serbisyo sa publiko, lalo na sa mga mamamayan ng Rehiyon Uno.