-- Advertisements --

MANILA – Anim na rehiyon sa bansa ang nakitaan ng pagtaas sa “growth rate” ng COVID-19 cases, ayon sa Department of Health (DOH).

Kabilang na rito ang mga rehiyon ng Caraga, Mimaropa, Western Visayas, Ilocos region, at Central Visayas.

“Ang Region 1 (Ilocos) at 7 (Central Visayas) are showing in increase from negative to positive growth rate,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Kabilang ang anim na rehiyon sa 12 lugar sa bansa na na-obserbahan ng ahensya na may “positive growth.”

Ibig sabihin, patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa naturang mga lugar.

Pagdating naman sa “average daily attack rate (ADAR),” pinakamataas daw ang antas sa Cagayan Valley na nasa 8.8 sa kada 100,000 populasyon.

Sumunod ang Cordillera sa 8.4/100,000 population, at National Capital Region na nasa 8.11/100,000 population.

Aminado ang Health department na bagamat bumababa ang kaso ng COVID-19 sa NCR Plus, tuloy-tuloy namang sumisirit ang bilang ng tinatamaan ng sakit sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay Vergeire, kabilang pa rin sa nakikita nilang dahilan ng pagtaas ng mga kaso ay ang pagluluwag ng quarantine restrictions, hindi pagsunod ng publiko sa health protocols, at mabagal na detection at isolation ng local government units sa kanilang COVID-19 cases.

“Patuloy ang ating panawagan sa mga LGUs, na paigtingin ang pagpapatupad ng Prevent-Detect-Isolate-​Treat-Reintegrate (PDITR) strategies.”

“Ang tamang pagsusuot ng PPEs, pagdi-distansya na hindi bababa sa isang metro mula sa ibang tao, at pag-iwas sa matataong lugar, at pagpapanatili ng maayos na daloy ng hangin sa mga kulob na lugar ay nananatiling mabisa panlaban sa pagkalat ng COVID-19 o ano pang variant.”