LEGAZPI CITY – Nagsagawa ng protesta ang isang grupo sa harap ng National Telecommunications Commission (NTC) upang ipanawagan ang pagsuspinde sa SIM registraton law dahil sa mga usapin sa data privacy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Junk SIM Registration Network spokesperson Maded Batara III, isinagawa ang naturang hakbang upang ipanawagan na maproteksyunan ang private information ng mamamayan.
Partikular na rito ang paggamit ng selfie verification na maaaring magdulot ng panganib sa data privacy ng publiko.
Binigyang diin ni Batara, na hindi naman nakapaloob ang selfie verification sa SIM registration law at implementing rules and regulation nito.
Ikinabahala pa nito ang kawalan ng track record ng pamahalaan at telecommunication companies na maproteksyunan ang data privacy at masigurong hindi ito mapupunta sa masamang elemento.
Punto pa ni Batara na isa sa mga rason kung bakit nagkaroon ng mandatoryong pagpaparehistro ng sim card ay upang malabanan ang talamak na mga scammer sa bansa.
Subalit sinabi nito, na dapat ang unang hakbang ng pamahalaan ay inalam muna ang ugat kung bakit maraming scammer at saka bigyan ng solusyon.
Malaki ang paniniwala ni Batara na hindi mapipigilan ng SIM registration law ang talamak na text scam at iba pang krimen.
Samantala, kumunsulta na ang grupo sa mga legal expert sa paghain ng petisyon para sa suspensyon ng naturang batas.