Umalma ang grupo ng mga abogado sa Pilipinas sa naging hakbang ng International Criminal Court (ICC) na pansamantalang ihinto ng kanilang Office of the Prosecutor ang imbestigasyon sa alegasyong “crime against humanity” may kaugnayan sa kontrobersiyal na war on drugs ng Duterte administration.
Sa isang statement, nanawagan ang National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa ICC na ‘wag pagbigyan ang hiling ng Philippine Ambassador to the Netherlands Eduardo Malaya na itigil muna ang imbestigasyon.
Ayon sa NUPL dapat aniya na ‘wag magpadala ang ICC sa bersiyon ng administrasyon dahil iba naman daw ang nangyayari sa ibaba o sa “ground.”
Sa halip ayon sa NUPL, sana ituloy pa rin ng ICC Prosecutor ang pagsasagawa ng full-blown investigation sa isyu ng mga extra-judicial killings.
Binigyan diin pa ng grupo na ang mga pamilya ng libu-libong naging biktima ng extra-judicial killings ay walang maasahan na hustisya sa kasalukuyang sitwasyon sa bansa.
Giit pa ng NUPL, ang binabanggit daw na “domestic remedies” ng Philippine ambassador sa Pilipinas na pag-iimbestiga sa 52 mga kaso ay kulang pa.
“We ask the ICC not to allow itself to be swayed by the claims now being made by the Duterte administration. These are so contrary to what is happening on the ground and should never be taken at face value,” giit pa ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa statement. “The families of the victims of thousands of extra-judicial killings left uninvestigated for years cannot, now, expect to find justice from a system designed specifically to protect those responsible.”
Samantala si dating Senator Antonio Trillanes IV na kabilang na dumulog noon sa ICC bilang bahagi ng intervention ay nagsabing bagamat bahagi ng due process ang ginawa ngayon ng international court, sa parte naman ng request ng Philippine government ay maaring kinikilala na nila ang hurisdiksiyon nito sa drug war probe.
Kung maalala patuloy na iginigiit ng Malacanang na walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas.
Una nang sinabi ng ICC na ipagpapatuloy pa rin naman daw nila ang pag-analisa sa mga hawak nilang impormasyon gayundin ang mga bagong datos na kanilang matatanggap mula sa third parties.