Naglabas ng pahayag ang Philippine Council of Evangelical Churches na nananawagang sumuko na ang nagtatagong si Pastor Apollo Quiboloy sa mga otoridad.
Ayon sa pahayag ng grupo na nilagdaan ni Bishop Noel Pantoja, bilang national director, sana ay harapin ni Quiboloy ang mga nag-aakusa sa kaniya at patunayan kaniyang argumento sa halip na magtago.
Giit ng grupo, hindi nakatataassa batas ang sinumang tao kaya mahalagang harapin ang kaso sa mapayapang pamamaraan.
Kasabay nito, nanawagan din ang organisasyon sa Philippine National Police (PNP) na irespeto ang karapatang pantao at ipatupad ng tama ang batas.
Habang para naman sa mga matataas na opisyal ng bansa, hiniling nilang maging tagapagtaguyod ng kapayapaan ang mga ito at huwag gamitin ang sitwasyon para sa kanilang political agenda o pansariling pakinabang.
Ang Philippine Council of Evangelical Churches ay binubuo ng halos 80 grupo sa bansa at mayroon ding nasa 200 na para-chuches na kabahagi nito.
Tinatayang nasa 11 million ang kabilang sa mga samahang ito.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Quiboloy at iba pang kapwa nito akusado sa Kingdom of Jesus Christ compound sa Buhangin, Davao City.