Umapela ang Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (PCCCII) sa Kongreso at Philippine National Police (PNP) na gumawa ng agarang aksiyon laban sa mga insidente ng pagdukot target ang Filipino-Chinese community.
Ginawa ni PCCCII secretary general Bengsum Ko ang naturang panawagan sa pagpupulong kasama si House Minoity Leader Marcelino Libanan matapos na makatanggap umano ang kanilang grupo ng reports hinggil sa 56 na insidente ng kidnappings o pagdukot sa nakalipas na 10 araw.
Ayon sa grupo hindi lamang banta sa kaligtasan ng mamamayan ang nangyayaring kidnappings kundi maging sa normal business activities.
Sa katunayan aniya pawang mga dayuhan ang mga nasa likod ng kidnappings at iginiit na hindi anila papayagan ang mga foreign criminal syndicates na gawin ang kanilang masamang gawain dito sa ating bansa na nangyayari aniya sa Pasay, ParaƱaque at Makati.
Sinusportahan naman ni Libanan ang panawagan ng grupo.
Subalit ayon kay PNP officer-in-charge Lt Gen Jose Chiquito Malayo, nasa apat na kidnapping incidents lamang ang naitala ng pulisya ngayong taon.
Bagamat nangako naman si Malayo ng agarang aksiyon sa concern ng Filipino-Chinese community.