Hinimok ng grupong magsasaka na Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang gobyerno na magpataw ng “urgent price freeze” sa mga produktong agrikultural sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyong Egay.
Ayon sa nasabing grupo, nagsisimula na kasing muling tumaas ang presyo ng bigas, gulay, manok at isda at iba pang produktong pagkain matapos ang paghagupit ng superbagyong Egay sa mga bukirin at baybaying lugar partikular sa rehiyon ng Central at Northern Luzon.
Humiling din ang grupo ng agarang tulong para sa mga magsasaka, mangingisda, at mga residenteng nasalanta ng bagyo.
Ikinalungkot naman ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Secretary-General Ronnie Manalo kung paanong nasa ibang lugar si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa tuwing may kalamidad sa bansa.
Aniya, hindi sapat na nakamonitor lang sa sitwasyon ang Pangulo, dapat ay nandito rin umano ang Chief executive upang agad na tumugon sa pangangailangan ng mga mamamamayan.
Una nang inanunsyo ng Department of Agriculture na umakyat sa P512.9 million ang production loss dahil sa nagdaang bagyong Egay mula sa P62 million.