VIGAN CITY – Hiniling ng Samahang Industriya ng Agrikultura sa Department of Agriculture (DA) na palawakin pa ang pagbibigay ng mas mataas na presyo ng mga palay sa mga magsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay SINAG Chairman Rosendo So, mula sa P12.50 hanggang P13.50 na presyo ng fresh palay at P15.50-P16.50 sa dry palay, ay hangad nilang gawing P19.00 ang kuha ng National Food Authority (NFA).
Layunin nito na matulungan ang mga magsasaka at huwag malugi.
Aniya, kahit pa bumibili ang NFA sa mga magsasaka ay maliit lamang na porsiyento ang nakukuha nila.
Ito’y dahil inaasahan nila na ang ani ngayong buwan hanggang Disyembre ay aabot sa 9.2 milyon metric tons, pero ang bibilhin lamang ng NFA ay 720,000 metric tons.
Idinagdag nito na 92% sa mga magsasaka ang apektado sa mababang presyo kaya kailangan gumawa ng price support ang DA upang hindi sila mahirapan.