-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Hindi kuntento ang grupo ng mga magsasaka sa lalawigan ng South Cotabato at maging sa buong South Central Mindanao sa mga inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa State of the Nation Address (SONA) ang mas malinaw na agricultural policies at programa.

Ito ang inihayag ni Mr. Leo Fuentes, Regional Coordinator ng Masipag Mindanao sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Fuentes, si Pangulong Marcos ang umupong kalihim ng Department of Agriculture at halos hindi umano nabigyan ng pansin ang solusyon sa matagal nang problema ng mga magsasaka.

Malaking hamon pa rin ngayon sa administrasyon ang land reform, landless farmers o mga magsasakang nananatiling tenant dahil walang pag-aaringlupa, kawalan ng kapital at suporta sa financial na aspeto sa pagbili ng mga masyadong mahal na binhi, pestisidyo, abono at iba pang agricultural inputs.

May mga ipinagmamalaki ngang Kadiwa markets si Pangulong Marcos ngunit hindi naman sustainable dahil kung pagbabasehan ang higit 100 Milyon na populasyon ng bansa, nasa 1 percent lamang ang nabigyan ng serbisyo.

Meron din umanong mga ibinibigay na subsidies sa mga magsasaka ngunit kulang at hindi lahat nabibigyan.

At ang inaasam na P20 pesos na kilo ng bigas na pangako ng pangulo sa mga Pilino na hanggang sa ngayon hindi natupad.

Matatandaan na noong nakaraang buwan ay bumisita ang pangulo sa South Cotabato upang pangunahan ang paglunsad ng Consolidated Rice Production and Mechanization Program sa bayan ng Surallah na naglalayong mapataas ang produksyon at mapalakas ang marketing system ng palay.

Ngunit, hindi pa rin umano ito sapat upang mabigyan ng kasiguruhan ang mga magsasaka hindi lamang sa MIndanoa kundi maging sa buong bansa.
Malinaw unano na unsatisfactory ang performance nito sa kanyang unang isang taon na panunungkulan.

Sa kabila nito umaasa naman ang mga magsasaka na mas malinaw na programa para sa agrikultura ang tututokan ng administrasyon.
Samantala, tahimik at walang inilunsad na rally ng mga progresibong grupo at mga magsasaka dito sa Rehiyon Dose kasabay ng SONA ng pangulo kahapon.