Sasama ang grupo ng mga mangingisda at coastal residents mula Zambales, Manila Bay at Laguna de Bay sa ikakasang multisectoral “People’s SONA” kasabay ng ikatlong SONA ni PBBM.
Sa isang statement, sinabi ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) na kanilang bibigyang diin sa People’s Sona protest ang mga isyu sa ekonomiya na direktang nakakaapekto sa sektor ng mangingisda sa bansa.
Kabilang sa mga isyung ito ang pagka-displace ng mga pamilyang naninirahan malapit sa mga baybayin dahil sa reclamation at dredging activities sa Manila Bay, ang banta ng floating solar power project sa mga mangingisda sa Laguna de Bay at ang pagpapaigting ng foreign military interventions sa WPS.
Ayon kay PAMALAKAYA Vice Chairperson Ronnel Arambulo, hangang ngayon nananatilung pinakamahirap na sektor ang mangingisda sa kabila ng malawak na karagatan at saganang yamang dagat ng PH.
Sumasalamin umano ito sa kapabayaan ng pamahalaan na tugunan ang mga usapin para pangalagaan ang mga pook-pangisdaan laban sa mapanirang proyekto gaya ng reclamation sa Manila Bay.
Nakatakda namang magsagawa ng State of the Peasants Address (SOPA) ang mga grupo ng mangingisda kasama ang peasant organization na Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), Amihan Federation of Peasant Women, at Anakpawis para talakayin ang sitwasyon sa rural sectors sa bansa bago ang nakatakdang SONA ni PBBM sa araw ng Lunes, Hulyo 22.