-- Advertisements --
image 385

Ilang miyembro ng mga mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang nagbigay ng bagsak na rating sa kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa umano’y kawalan ng aksyon sa kanyang administrasyon sa mga isyung nakakaapekto sa kanilang sektor.

Ito ay habang ibinabahagi ng mga naturang mangingisda ang kanilang “state of the fisherfolk address,” bilang sagot sa ikalawang State Of the Nation Address ni Marcos na nakatakda ngayong Lunes.

Sa paraan ng isang street conference, ang mga mangingisda at mga residente sa baybayin mula sa Cavite, Navotas, at Rizal ay nagbigay ng kanilang isang taong pagtatasa sa administrasyong Marcos.

Binigyang-diin ng Pamalakaya ang mga diumano’y kabiguan ng Pangulo na tugunan ang mga isyu sa sektor ng pangingisda, national sovereignty, conversion at reclamation of fishing waters, at suporta para sa produksyon ng pangisdaan sa gitna ng inflation.\

“Kami mismo ‘yung nakakaalam ng aming sitwasyon, ng aming kalagayan dahil kami mismo ‘yung nasa kabuhayan,” ayon kay Pamalakaya vice chair Ronnel Arambulo.

“Kaya ang aming grade kay President Bongbong Marcos ay bagsak po,” dagdag pa nito.

Sinabi ng grupo na sa ngayon ay nakapagtala na sila ng hindi bababa sa 21 reclamation projects na may aprubadong environmental compliance certificates sa Manila Bay.

Iginiit din ng Pamalakaya ang kanilang kahilingan para sa P15,000-production subsidy para mabayaran ang dalawang buwang gastusin sa pangingisda.

Magdamag ang grupo sa University of the Philippines-Diliman campus para maghanda para sa rally sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Lunes habang ang Pangulo ay maghahatid ng kanyang ikalawang SONA sa Batasang Pambansa Complex.