Kinalampag ng grupo ng mga mangingisda ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na habulin ang mga importer na lumalabag sa Fisheries Adminsitrative Order No. 195 na nagbabawal sa pagbebenta ng mga inangkat na isda para sa industrial use sa lokal na merkado.
Katwiran pa ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na dapat kahabagan ang maliliit na fish retailers na napilitan lamang magbenta ng imported na mga isda at sa halip ay panagutin ang mga importers na lumalabag sa naturang kautusan sa pamamagitan ng pag-divert ng mga imported frozen fish sa mga palengke na nakalaan para sa canning at processing industry at sa mga institutional buyers gaya ng hotels at restaurants.
Iginiit din ng grupo na kung walang importasyon wala din aniyang magpupuslit ng isda patungo sa lokal na merkado.
Liban ldito, muling ipinunto ng grupo ang kanilang panawagan na ihinto ang pag-aangkat ng isda sa bansa.
Dapat na matigil aniya ang smuggling ng imported fish sa mga palengke dahil mapanganib ito para sa kalusugan ng mga consumer gayundin sa kabuhayan ng mga kabbayan nating Pilipinong mangigisda.
Ang panawagan ng grupo ay kasunod ng pagdedeklara ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng moratorium para sa pagkumpiska ng mga imported na salmon, pampano at iba pang imported fish sa mga pamilihan sa bansa.
Sa kasalukuyan, pag-aaralan muli ng BFAR ang mga regulasyon at polisiya kaugnay sa pag-aangkat ng mga isda partikular na ang nakasaaad sa FAO 195 na inisyu noon pang 1999.