Malamig ang pagtanggap ng grupo ng mangingisda sa planong pakikipag-partner ng China sa local fishing villages sa Pilipinas.
Ayon kay Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), walang magandang maidudulot sa mga mangingisdang Pilipino mula sa planong ito ng China.
Saad pa ng grupo na anumang kasunduan sa China ay hindi tatanggapin ng mga mangingisdang Pilipino na direktang mga biktima ng kanilang aggression.
Sa loob aniya ng maraming taon, nagtiis ang mga mangingisda sa pangha-harass ng China sa West Philippine Sea, isa lamang dito ang nangyari noong 2019 kung saan lumubog ang isang Philippine vessel matapos ang pagbangga nito sa Chinese vessel sa may West Philippine Sea kung saan nalagay sa kapahamakan ang buhay ng nasa 22 mangingisda na lulan ng barko.
Nasaksihan din aniya kung paano abusuhin ng China ang mga resources sa West Philippine Sea at kung paano i-harrass ang kanilang fishing grounds.
Iginiit pa ng grupo na ang naging desisyon ng Korte Suprema kamakailan na nagpawalang-bisa sa Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) ay dapat na maging babala sa Marcos administration sa pagpasok nito sa anumang kasunduan sa China na magpapaigting pa ng presensiya nito sa teritoryo ng Pilipinas.