Naniniwala ang grupo ng mga alkalde na pawang politically motivated ang mga reklamong isinampa sa tatlong alkalde sa bansa na kinabibilangan nina Pasig Mayor Vico Sotto, Marikina Mayor Marcy Teodoro at Iloilo City Mayor Jerry Treñas.
Ayon sa grupong Mayors for Good Governance (M4GG), buo ang suporta at tiwala ng mga ito sa tatlong alkalde sa kabila ng mga ‘politically motivated’ na pag-atake.
Sinabi rin ng grupo na ang reklamong inihain laban sa kanila ay malaking oportunidad para mailabas ang katotohanan at para malinis kanilang mga pangalan.
Maaalalang si Sotto ay nahaharap sa graft complaints dahil sa umano’y kabiguan na ipamahagi ang mga cash allowance sa mag Pasig City Hall employees, at pagbibigay ng iligal na discount sa mga telecommunications provider.
Si Teodoro naman ay nahaharap sa technical malversation kaugnay sa umano’y maanomalyang paggamit sa pondo ng Philhealth.
Habang si Treñas ay nahaharap sa grave misconduct charges dahil sa demolition sa Iloilo City public market.
Kinukwestiyon ng grupo ang timing ng mga inihaing reklamo kasabay ng papalapit na 2025 Midterm Elections.
Samantala, pinaninindigan din ng grupo ang kredibilidad at napatunayang track record ng tatlong alkalde bilang mga public servants.