Nanawagan ang isang grupo ng mga consumer sa mga mambabatas na magpasa ng isang batas laban online piracy sa ilalim ng Intellectual Property Code of the Philippines.
Sa gitna ito ng nararanasang revenue loss ng mga creative industry dahil na rin sa naglipanang online piracy ngayon sa Pilipinas.
Sa isang statement sinabi ng grupong Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente na mahalagang maprotektahan ang Creative industries sa Pilipinas sapagkat ito ay ang nagsusulong ng kabuhayan sa mga manlilikha.
Anila ang pagsusulong nito ay magsisilbing pagpapatibay sa industriya, gayundin sa paglinang ng mga lokal na talento, pagbibigay halaga, at pag-unlad ng kulturang Pilipino.
Paliwanag ng naturang grupo, habang tumatagal kasi anila ang pag-aksyon ng mga mambabatas laban sa online piracy at maipagbago rin ang halos tatlumpung-taong gulang na Intellectual Property Code ay mas lumalaki rin anila ang pagkalugi ng Creative industries ng bansa hindi lamang sa usapin ng kita, kundi dahil na rin sa unti-unting paglikas ng mga manlilikha na kalauna’y maaaring magresulta sa tuluyang pagkamatay ng industriya.
Kung maaalala, kamakailan lang ay nagpahayag din ng suporta ang Intellectual Property Office of the Philippines at iba pang mga organisasyon para sa pagpapasa ng mga batas na layuning sugpuin na ang online piracy sa bansa sa pamamagitan ng pag-block sa mga site nito.