-- Advertisements --
doctors frontliners covid

BAGUIO CITY – Patuloy na nagbibigay pagpupugay ang maraming mga medical workers para sa kanilang mga kasamahan sa panahon ng krisis sa COVID-19.

Kagaya na lamang ng isang grupo ng mga doktor sa Metro Manila na nagbahagi ng isang natatangi at inspirational na awitin sa social media na tinawag nilang “Virtual Choir-antine.”

Sa video ay inawit nila ang kantang “Lead Me Lord.”

Dahil na rin sa ipinapatupad na social distancing at quarantine ay umawit mula sa kani-kanilang mga bahay at ospital ang mga frontliners.

Sa panayam ng Star FM Baguio kay Dr. Kathlynne Abat-Senen ng Philippine General Hospital na kabilang sa mga doktor na umawit sa nasabing trending video, emosyonal nitong ibinahagi na iniaalay nila ang awitin para sa kanilang mga kasamahang patuloy na nagsasakripisyo sa panahong ito.

Ito rin umano ay handog nila para sa mga kapwa frontliners at mga kaibigan nilang binawian ng buhay dahil sa paglaban sa COVID-19.

“Our spirits were down because we were receiving news that some of our mentors and colleagues have succumb to COVID-19. Inisip namin na magkantahan kami. Eventually, we decided na magre-record kami isa-isa tapos pagsasama-samahin namin yung video. Nung una, simple lang yung layunin ng video, to lift our spirits because yung age group namin ngayon yung nagiging frontliners ng battle sa COVID-19. Hindi naman akalain na magvi-viral siya. I believe it has touched many people.”

Kuwento pa nito, sila ay bahagi ng University of the Philippines Medicine Choir noong sila ay nag-aaral pa.

Mula noong 2011, ngayon lang naman ulit sila nagsama-sama para sa isang special performance.

Nabanggit din naman nito ang dahilan kung bakit ang naturang kanta ang napili nila.

“We feel na it resonates yung aming collective na cry and emotion, na lahat kami may takot dahil hindi namin nakikita yung kalaban namin sa digmaan na ito, pero naniniwala kami na with God’s guidance ay maaari nating mapagtagumpayan ito.”

Umani naman ng papuri ang nasabing video at sa kasalukuyan ay mayroon na itong mahigit 100,000 views at 5,000 shares.

May pahayag din ito para sa lahat ng frontliners na tulad nila.

Inamin nitong nangangamba sila para sa kanilang mga sarili at mga pamilya pero ipagpapatuloy nila ang kanilang tungkulin sa bayan.

“Alam ko mahirap para sa ating mga doktor, mga nurses, at sa mga nagtatrabaho sa mga ospital, pati sa mga local health units, na pumasok araw-araw. Ang kinakalaban natin ay isang kalaban na hindi natin nakikita. Mahirap nga namang patayin ang isang kalaban kung hindi mo klarong nakikita yung target mo. Alam ko nangangamba tayo para sa ating mga sarili, sa ating mga pasyente, sa ating mga pamilya na inuuwian natin araw-araw, ngunit wag tayong mawawalan ng pag-asa na poprotektahan tayo ng Diyos at susuportahan tayo ng ating mga kapwa tao para mapagtagumpayan natin ang laban na ito, dahil ito ang ating sinumpaang tungkulin.”