Umapela ang grupo ng mga Gobernador na Union of Local Authority of the Philippines (ULAP) para sa mas mahigpit na hakbang upang matugunan ang nakakabahalang pagtaas ng political violence sa mga opisyal ng barangay.
Ito ay bilang pagpapahayag ng grupo ng buong suporta sa panawagan ng Liga ng mga Barangay.
Ayon sa grupo, nasa 36 ang naitalang insidente ng karahasan noong 2024 lamang, na nagresulta sa kalunos-lunos na pagkamatay ng 28 opisyal ng barangay.
Kayat ipinunto ng ULAP ang agarang pangangailangan para sa pinahusay na mga hakbang sa seguridad, institutional safeguards, at mga reporma sa lehislatura upang maprotektahan ang mga lokal na pinuno sa grassroot level.
Ayon kay ULAP national president Dakila Carlo Cua na ang pagtaas ng mga banta at karahasan laban sa mga lokal na opisyal ay sumisira hindi lamang sa kanilang kaligtasan kundi pati na rin sa integridad ng mga demokratikong proseso.
Kayat sa nalalapit na halalan sa Mayo 12, 2025, iginiit ng grupo na ang pagtiyak sa kaligtasan ng barangay at lahat ng lokal na opisyal mula gobernador, alkalde, konsehal at iba pang pinuno ng lokal na pamahalaan ay kritikal sa pagpapanatili ng integridad ng halalan, at hindi dapat pahintulutan ang karahasan sa pulitika na magdikta ng pamumuno sa anumang posisyon sa gobyerno.