Ikinadismaya ng grupo ng mga empleyado ng pamahalaan ang umano’y kakarampot na pagtaas ng kanilang mga sahod.
Maalalang inilabas ni PBBM ang Executive Order (EO) No. 64 noong nakalipas na linggo na kinapapalooban ng pagtaas ng sahod ng mga government workers at pagbibigay sa kanila ng karagdagang allowance.
Pero ayon sa grupong Public Services Labor Independent Confederation (PSLINK), nakakadismaya ang kakarampot na taas-sahod sa ilalim ng EO-64.
Ayon kay PSLINK President Annie Enriquez-Geron, masyadong mababa at kulang ang naturang taas-sahod, lalo na para sa mga rank-and-file government employees.
Ayon pa kay Geron, mas mataas pa ang P35 na inaprubahan noon bilang dagdag sa arawang sahod ng mga pribadong manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ikinalungkot din ng labor leader na hindi nakasali rito ang mga contractual at mga job order.
Ayon kay Geron, humigit-kumulang 900,000 government workers na tumatanggap lamang ng substandard wage at wala ding job security at social protection ang hindi makikinabang sa EO ni PBBM.
Panawagan ni Geron kay Pang marcos, pakingan ang panawagan ng maraming mga empleyado ng gobyerno para sa akma at nakabubuhay na sahod.
Umapela rin ito kay Marcos na tugunan ang wage disparity sa pagitan ng national at local government employees at sa pagitan ng mga nasa rank and file at managerial positions.
Bago ang EO 64 ni PBBM, una niyang ibinida ang pagtaas ng sahod ng mga empleyado ng gobyerno sa kanyang ikatlong SONA.