-- Advertisements --

Dismayado ang ilan sa mga kababayan nating guro sa naging pamamalakad ni DepEd Secretary Leonor Briones sa nakalipas na mga taon ng panunungkulan nito.

Ipinahayag ito ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Secretary-General Raymond Basilio sa isang panayam at sinabing hindi aniya nila kailanman narinig ang kasalukuyang kalihim na sinuportahan nito ang kanilang panawagan para sa mas magandang compensation packages para sa mga guro.

Ito ay may kaugnayan rin sa hiling ng grupo ng mga guro na gawing Salary Grade 15 bilang entry-level pay ng mga ito.

Ayon kay Basilio, sa nakalipas na mga panahon ay itinaas na ang salary entry-level ng mga nurse at military at police forces ngunit ang mga guro aniya ay nananatili pa rin sa Salary Grade 11 kahit na mayroon aniya itong kaparehong qualifications at gayundin ang makailang beses nang pagkakataon na sila ay paulit-ulit na nagrequest ukol dito.

Aniya, ang ganitong mga usapin ay hindi tungkol sa pagdadag ng mga benepisyo at compensation ng mga guro kundi hinggil sa pagtatama ng mga kawalang katarungan laban sa mga ito.

Samantala, sinabi naman ni Basilio na umaasa sila na titiyakin ni VP-elect Sara Duterte na susunod na mauupong kalihim ng Department of Education na magiging maayos ang muling pagbubukas ng mga klase sa Agosto, at gayundin ang sapat na bilang ng mga guro at kahandaan ng pasilidad ng mga paaralan para mabigyan na rin ng pagkakataon na makapag-aral ang lahat ng mga mag-aaral na nais makiisa sa Face-to-face classes.