Dismayado ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa sinabi ng Department of Education (DepEd) na ang mga online class ay maaaring ipatupad sa panahon ng bagyo at iba pang kalamidad sa halip na suspendihin ang mga klase.
Tinatawag ng grupo ng mga guro ang hakbang na ito na “unjust and insensitive” para sa mga estudyante at guro.
Ang pahayag ay naging reaksyon sa pagbanggit ni DepEd spokesperson Undersecretary Michael Poa na tanging ang mga in-person na klase na lang ang sususpindihin sa panahon ng kalamidad upang ma-maximize ang learning continuity.
Sinabi ni Poa na inaasahang ipagpapatuloy ng mga mag-aaral ang kanilang pag-aaral sa bahay gamit ang mga alternative delivery mode, na kinabibilangan ng modules, blended learning, o online learning.
Kinuwestiyon ni ACT Chairperson Vladimer Quetua kung paano maisagawa ang mga online clasees kapag ang isang mag-aaral at ang kanyang pamilya ay nasa gitna na masamang kondisyon dahil sa sama ng panahon.
Aniya, lahat naman ng paraan ay kanilang gagawin upang magkaroon ng learning recovery para sa mga estudyante.
Gayunpaman, iginiit ni DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas na hindi dapat gawing literal ang sinabi ni Poa, dahil maaaring piliin ng mga paaralan na lumipat sa alternative delivery modes of learning pagkatapos ng kalamidad kapag bumuti na ang sitwasyon.