-- Advertisements --
image 227

Nanawagan ang isang grupo sa Department of Education (DepEd) na muling isaalang-alang ang direktiba nito hinggil sa “bare classroom walls” at bigyan ang mga guro ng higit na awtonomiya sa pamamahala ng kanilang mga silid-aralan at pamamaraan ng pagtuturo.

Sinabi ni Teachers’ Dignity Coalition (TDC) Spokesperson Noel Galvez, na ang ibang pamamaraan sa pagtuturo gamit ang posters ay makaktulong din ng lubos sa mga mag-aaral.

Kung matatandaan ang DepEd, sa ilalim ng pamumuno ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ay nag-atas sa mga guro at pampublikong paaralan na tiyaking “malinis” ang mga silid-aralan bago magsimula ang school year 2023-2024.

Bago magsimula ang mga klase, binigyang-diin ng DepEd na dapat malinis ang mga dingding ng silid-aralan at hiniling sa mga guro na tanggalin ang lahat ng gamit at ilabas ang lahat kabilang ang mga decoration sa mga dingding at mga posters.

Sa direktiba nito, binigyang-diin ng DepEd na “absolute” ang kautusan, at dapat na sundin ng lahat ng guro sa anumang paaralan, sa anumang asignatura, at sa anumang antas ng baitang.

Ayon sa grupo ng mga guro, ang direktiba ay wala umanong malinaw na basehan upang maging ‘asbolute order’.

Sa kasalukuyan, patuloy na umaapela ang TDC upang maikonsidera ang paglalagay ng ibang posters o ang sariling paraan ng mga guro na gumagamit ng iba pang mga dekorasyon na makakatulong sa pagtuturo.