-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ikinagulat at ikinadismaya ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang naging sitwasyon ng pamimigay ng educational assistance para sa mga estudyante ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ay matapos maitala ang pagdagsa ng mga mag-aaral at magulang na nagdulot ng siksikan at mahabang pila sa mga tanggapan ng ahensya sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay ACT Philippines secretary general Raymond Basilio, resulta ito ng kakulangan ng koordinasyon ng DSWD at Department of Education (DepEd).

Diin nito na posibleng hindi nangyari ang naturang sitwasyon kung idinaan na lamang sa pagpapalabas ng listahan ng mga paaralan ng mga enrolled na estudyante.

Aniya, dapat na gumawa ng isang sistema sa pamamagitan ng koordinasyon sa mga state universities and colleges gayundin sa DepEd.

Wala aniyang ibang responsable at sisisihin kundi ang DSWD dahil hindi malinaw ang ipinalabas na impormasyon at mekanismo sa pamamahagi ng naturang ayuda.

Ikinababahala rin na baka maging ”superspreader event” ang nangyari lalo pa’t maraming nakakahawang sakit ang kumakalat ngayon.

Kung kaya’t iminungkahi ni Basilio sa tanggapan na ibaba na lamang ang pondo sa mga paaralan upang kontrolado ang bilang at hindi na magdulot pa ng mahabang pila.