LEGAZPI CITY – Ikinadismaya ng grupo ng mga guro ang pagsuspendi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilang benipisyo na ibinibigay sa mga empleyado ng gobyerno.
Kahapon ng ipalabas ng Malakanyang ang Executive order number 61 na nagsususpendi sa Results-Based Performance Management System at Performance-Based Incentive System dahil umano sa doble-dobleng pag-iisyu nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Vladimer Quetua ang Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers, nakakadismaya na mababawasan ang mga insentibo at benipisyo na matatanggap ng mga guro dahil sa kautosang ito ng pangulo.
Aminado si Quetua na may mga isyu at problema sa nasabing sistema subalit hindi naman maaaring ang mga guro ang maghirap dahil dito.
Umaasa ang grupo na pansamantala lamang ang suspensyon at agad din itong maibabalik lalo’t maraming mga guro ang umaasa rito.
Nanawagan rin ang grupo na imbes na bawasan ang mga benipisyo ay bigyan ng solusyon ng gobyerno ang mga problemang kinakaharap ng sektor ng edukasyon kagaya ng kakulangan sa mga guro, paaralan, kagamitan at mababang pasahod.