Nagpahayag ng buong suporta ang Teachers’ Dignity Coalition sa muling pagbabalik ng Traditional school calendar sa mga paaralan sa bansa sa susunod na taon.
Kasunod ito ng naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Education na ibalik nang muli sa dati ang school calendar ng mga paaralan sa bansa nang dahil na rin sa epekto ng matinding init ng panahon sa mga mag-aaral sa Pilipinas.
Sa isang pahayag, sinabi ng naturang grupo na sa wakas ay nagkaroon na anila ng pinal na petsa ang pagbubukas at pagsasara ng school year 2024-2025.
Batay kasi sa aprubadoong mga petsa ng pamahalaan, magsisimula ang klase sa susunod sa school year sa Hulyo 29, 2024 at nakatakda naman magtapos sa Abril 15, 2025 para sa school year 2024-2025.
Habang sa Marso 31, 2026 naman nakatakdang magtapos ang klase para sa school year 2025-2026.
Samantala, bagama’t hindi nasunod ang petsang inirekomenda ng Teachers’ Dignity Coalition na Abril 11 para sa pagsasara ng susunod na school year ay sinabi naman nito na sapat na ang mga napagdesisyunan petsa ng pamahalaan para tiyaking hindi na kakailanganin pang dumalo ng mag-aaral sa Saturday Classes.