Nagpahayag ng pagkabahala ngayon ang isang grupo ng mga guro sa posibleng maging epekto sa mga paaralan ng pagnipis ng supply ng kuryente sa ilang bahagi ng ating bansa.
Kasunod ito ng pagsasailalim ng National Grid Corporation of the Philippines sa Luzon at Visayas grid sa yellow alert status matapos na magkaproblema ang ilang power plants sa naturang mga lugar,
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers Chairperson Vladimir Quetua, kung magresulta man ito sa power outage ay maaaring makaranas ng mas matinding init ang mga classroom sa mga apektadong lugar.
Dahil dito ay nanawagan ngayon ang Alliance of Concerned Teachers sa mga kinauukulan Para sa pagsasagawa ng mga long-term solutions sa matinding init ng panahon kabilang na ang class size, at pagtatayo ng mas maraming mga classrooms, pagtanggap ng maraming mga guro, at pagtiyak na well-ventilated ang mga silid-aralan sa bansa.
Kasabay nito ay isinusulong din ng naturang grupo ang maintenance and other operating expenses ng mga pampubliko ng paaralan Para sa taong 2025 na sasaklaw naman sa kanilang mga bayarin Para sa utilities at electricity bills.