Isinusulong ng grupo ng mga guro sa bansa ang pagkakaroon ng limited, vountary at targeted face to face classes sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19.
Nagpahayag ng pagkabahala ang grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa pagiging epektibo ng ipinapatupad na blended learning sa kalidad ng edukasyon ng mga mag-aaral sa bansa.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers Sec. Gen. Raymond Basilio na dapat na payagan ng pamahalaan ang ligtas na pagbabalik ng mg mag-aaral sa mga eskwelahan sa pamamagitan ng limited face to face classes gaya ng pinaikling oras ng klase at bilang ng mga estudyante sa loob ng silid- aralan.
Sa ngayon aniya, tanging ang Pilipinas na lamang kasi at Venezuela ang dalawang bansa na hindi pa ibinabalik ang face to face classes.
Noong nakalipas na linggo inanunsiyo ng Deped, na planong isagawa ang pilot testing ng limited face to face classes sa 100 public schools at 20 private schools sa oras na aprubahan ng Pangulong Duterte.
Samantala, umabot na sa halos 18 million mag-aaral sa public schools ang nakapag-enrol na ilang linggo bago ang pagsisimula ng pasukan sa Setyembre 13, para sa school year 2021-2022.
Katumbas ito ng 68.5% ng kabuuang 26.2 million enrollees noong nakaraang school year nang unang ipinatupad ang distance learning sa Pilipinas dahil sa epekto ng covid19.
Umaasa ang DepEd na matumbasan ang bilang ng enrollees sa nakalipas na school year at hinihikayat ang mga mag-aaral na huminto na magbalik at magpaenrol ngayong taon.
Mananatiling bukas ang enrollment para sa school year 2021-2022 hanggang sa Setyembre 13.