LEGAZPI CITY- Kinontra ng grupo ng mga guro ang bagong ipinalabas na memo number 29 ng Department of Education na nag-oobliga sa lahat ng mga school terachers na magreport na sa kanilang mga paaralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Raymond Basillo ang Secretary General ng Alliance of Concerned Teachers, hindi umano nila maintindihan ang dahilan sa pagpapabalik ng mga guro sa paaralan gayong nasa online class o module pa rin ang mga estudyante.
Dahil dito, maraming mga guro umano ang nagkaproblema tuloy sa kawalan ng internet sa paaralan habang ang mga nasa modular based ay maghapon na lamang nakatunganga sa silid-aralan.
Mungkahi ng grupo sa DepEd na bago maglabas ng ganitong mga kautusan ay magkaroon muna ng konsultasyon sa mismong mga guro upang malaman ang kanilang sitwasyon.