Kinondena ng mga organisasyon ng mga guro ang Department of Education sa hakbang umano nitong baluktutin ang kasaysayan sa pamamagitan ng pagbawas sa imahe ng yumaong Ferdinand Marcos Sr. bilang isang diktador sa revised basic education curriculum.
Sa magkahiwalay na pahayag tinuligsa ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND) at Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang hakbang ng DepEd na baguhin ang “Diktadurang Marcos” sa “Diktadura” lamang sa Grade 6 Araling Panlipunan kurikulum.
Isang memorandum mula sa Bureau of Curriculum Development (BCD) ng ahensya ang nagsabing ang pagbabago sa nomenclature ay ginawa matapos ang mahirap na proseso ng pagrepaso at rebisyon sa ilalim ng patnubay at pagsusuri ng mga eksperto, stakeholder, at ng publiko at ang paglulunsad ng MATATAG curriculum.
Sinabi ng BCD na ito ay sinadya bilang pagsunod sa utos ng Curriculum and Teaching Management Committee.
Ayon sa CONTEND, ang rebisyon ay isang malinaw na diskarte ng kasalukuyang administrasyon para i-rehabilitate ang madilim na kasaysayan ng pamilya Marcos at isang tahasang halimbawa ng disinformation.
Nanawagan ang grupo sa educators na tanggihan ang hakbang ng DepEd at hanapin ang transparency sa curricular revisions.