LEGAZPI CITY – Duda ang grupong Alliance of Health Workers sa plano ng Department of Health na magbigay ng mga insentibo sa mga medical workers.
Base sa anunsyo ni Health Secretary Ted Herbosa pinag-aaralan na sa ngayon ng ahensya ang pagbibigay ng scholarship, pabahay at maging car plan para sa mga health workers.
Subalit sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Robert Mendoza ang Pangulo ng Alliance of Health Workers, hindi na umaasa pa ang kanilang grupo na matutupad ang ganitong plano ng DOH lalo pa at hanggang ngayon ay marami pa rin na mga nurse at doktor ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang mga benipisyo.
Karamihan sa mga ito ay mula pa noong COVID 19 pandemic kung saan hindi na naibigay pa ang ipinangakong travel, food, accomodation at health risk allowance.
Payo ng grupo na bago mangako ng bagong mga benipisyo ay tiyakin muna na natupad na ang unang binitawang salita upang hindi umasa ang mga health workers.
Panawagan rin nito na taasan na ang sahod ng mga nagtatrabaho sa sektor ng kalusugan at ibigay ang kanilang mga benipisyo.