Patuloy na umanong tinutugunan ng legal team ni presidential aspirant Bongbong Marcos ang panibagong petisyon sa Commission on Elections (Comelec) na layong ipa-disqualify ang dating senador dahil sa hindi raw pagbabayad ng buwis.
Tinawag ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez ang bagong petisyon kasama na ang mga naunang petisyon na “nuisance cases” at “pathetic stunts.”
Kasunod nito, hinimok ni Rodriguez ang lahat ng mga nasa likod ng mga petisyon na irespeto ang sambayanan at ang kanilang karapatang magdesisyon sa nais nilang ihalal na opisyal sa susunod na halalan.
Sinabi ng tagapagsalita ni Marcos na ang eleksiyon ay maipapanalo sa araw mismo ng halalan at hindi sa pamamagitan ng mga nuisance petitions.
Sa ngayon, nasa walong petisyon na ang inihain sa Comelec para ipakansela ang certificate of candidacy (CoC) at ipa-disqualify ang senador sa pagtakbo sa May 9, 2022 elections.
Una rito, naghain ang grupo ng mga ilokano na “Pudno nga Ilokano” o ibig sabihin ay Totoong Ilokano na pinangunahan ni dating Comelec chairman at constitutionalist Atty. Christian Monsod.
Ang inihain ng grupo ay ang ika-apat na disqualification case laban kay Marcos dahil daw sa hindi nito pagbabayad ng buwis.
Sa kanilang petisyon, sinabi ng grupo na convicted daw si Marcos ng walong beses ng Quezon City Regional Trial Court, Branch 105 noong 1995 dahil sa kabiguang maghain ng income tax returns bilang governor ng Ilocos Norte para sa taong 1982 hanggang 1985.
Maliban dito, sinabi ng grupo na bigo rin umanong magbayad ang dating senador ng kanyang deficiency taxes.
Sinabi ng mga petitioners, hindi raw dapat payagan ng Comelec na tumakbo si Marcos dahil sa kanyang conviction sa paglabag sa Internal Revenue Code na siyang basehan para sa penalty at perpetual disqualification sa paghawak ng public office.
Pero base naman sa ruling ng Court of Appeals (CA) nang iakyat ito ng kampo ni Marcos sa appelate court ay pinagmulta na lamang ang nakababatang Marcos ng mahigit P67,000 at tinanggal ang parusang pagkakakulong.
Nais pa noon si Marcos na iapela ang desisyon ng CA sa Supreme Court (SC) at hiniling na palawigin ang paghahain nito ng petition for certiorari.
Pero agad namang iniatras ni Marcos ang kanyang petisyon at binayaran na lamang ang kanyang multang P67,137.27.
Sa mga lumabas na report at base sa official receipt na inisyu ng Land Bank of the Philippines na may receipt number 10622824 at may petsang December 27, 2001 nakalagay ditong binayaran na ng buo ni Marcos ang kanyang multa.
Kinumpirma rin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagbayad si Marcos ng kanyang obligasyon sa pamamagitan ng kopya ng BIR payment forms na may numerong 0605 at 1904.