-- Advertisements --

Hinikayat ng grupo ng mga kabataan ang administrasyo ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat pagtibayin ang arbitral ruling na nagpapawalang bisa sa expansive claim ng China sa West Philippine Sea.

Kasabay ng paggunita ng Araw ng mga bayani ngayong araw, nagtipun-tipon ang mga miyembro ng West Philippine Sea Coalition na may hawa na mga placards na may mensaheng nakasulat na “Honor Our Heroes! Defend West PH Sea” at pinaalalahanan ang mga mamamayan na huwag kalimutan ang ating laban sa West Philippine Sea.

Inihayag ni Benjamin Alvero ng SENTRO Youth na ang mga mangingisdang Pilipino ay napagkaitan ng kanilang kabuhayan bilang resulta ng panghihimasok ng China.

Sinabi din nito na dapat igiit ng gobyerno ang karapatan ng bansa sa mapayapang pamamaraan ng hindi magreresulta sa militarization.

Nanawagan din ang naturang grupo sa Pangulong Marcos na isabuhay ang kaniyang ipinangako sa kaniyang SONA na hindi nito isusuko ang kahit isang pulagada ng teritoryo ng bansa at manindigan sa naturang usapin sa nalalapit na United Nations general Assembly.