Kinalampag ng grupong Safer Campuses Ph ang tanggapan ng Professional Regulation Commission (PRC) hinggil sa panawagan na bawiin ang lisensya ng mga guro na sangkot sa mga sexual predation.
Ito ay bahagi ng kanilang kampanya na ipaglaban ang kaligtasan ng mga estudyante at biktima ng sekswal na pang-aabuso ng mga guro sa loob mismo ng mga paaralan na itinuturing nilang pangalawang tahanan.
Bilang tugon dito, nagtungo ang nasabing grupo sa opisina ng PRC sa Manila upang magsumite ng isang position paper upang amyendahan ang Republic Act 11313 o “Safe Space Act” na mas kilala bilang “Bawal Bastos Law”.
Kasabay ng kanilang panawagan na bawiin ang lisensya at ilagay sa blacklist ang mga mapang-abusong mga guro, ipinanawagan din ng naturang grupo na i-require sa mga eskuwelahan na magbigay ng psychological, legal at financial support para sa mga victim survivor.
Kung maaalala, itinatag ang Safer Campuses PH noong Pebrero 10, 2023 na binubuo ng mahigit 120 na mga estudyanteng naninindigan at lumalaban para sa karapatan at kapakanan ng mga kababaihan.