-- Advertisements --

Hinihimok ng grupong Alliance of Concerned Consumers in Electricity and Social Services (ACCESS) na paganahin na ang Price Monitoring Council sa gitna ng lumulubong presyo ng iba’t-ibang mga produkto sa bansa.

Ayon kay ACCESS President Wennie Sancho, ito ay salig sa Republic Act 10623, ang batas na nagbibigay proteksyon sa mga konsyumer mula sa labis na pagtaas ng presyo ng mga produkto.

Apela ni Sancho sa mga city at provincial government, i-reactivate na sa lalong madaling panahon ang mga naturang konseho upang mabantayan ang pagtaas ng presyo ng mga produkto.

Hinimok din ni Sancho ang mga LGU official na magsagawa na ng emergency meeting kasama ang iba’t-ibang stakeholder para matugunan ang price stabilization sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga basic goods, services, at mga petroleum product.

Maaari rin aniyang bumuo na ng task force na siyang magmomonitor sa presyo, supply chain, at iba pang kaganapan sa mga merkado.

Inirekomenda rin ng grupo ang implementasyon ng mga konkretong economic relief measure upang matugunan ang kasalukuyang sitwasyon.

Kinabibilangan ito ng price control at regulation, tulad ng paglalatag ng price ceiling sa mga pangunahing produkto upang mapigilan ang anumang tangkang pananamantala sa panig ng mga retailer o mga negosyante.