-- Advertisements --
image 141

Pinulong ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. ang ilang grupo ng mga local government unit executive sa Camp Crame, Quezon city.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa kasong pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba lang halal na opisyal na magkakasunod na inatake ng mga armadong kalalakihan nitong nakalipas na mga araw.

Kasama sina Deputy Chief for Operations PMGEN. Jonnel Estomo at PNP Director of Operations PMGEN Emmanuel Peralta nakipagpulong si Abalos sa 36 na miyembro ng Union Local Authorities of the Philippines (ULAP), at League’s Executive Directors, Governors and LCES.

Ilan sa mga usaping tinalakay dito ay ang paghingi ng mga ito ng dagdag na protective security mula sa police security and protection group ng PNP, guidelines sa pagsasagawa ng mga checkpoint nang may maayos na koordinasyon sa mga local executives, at gayundin ang paghihigpit pa ng seguridad sa mga high-risk places.

Pahinggil pa rin dito ay sinabi naman ni PNP Chief Azurin na sa ngayon ay wala pa naman siyang natatanggap na report na mayroon pang ibang local executive ang nakakatanggap ng anumang uri ng banta sa kanilang buhay.

Ito ay sa gitna ng kaniyang hinihintay na consolidated reports ng nga regional directors mula sa iba’t ibang panig ng bansa na inatasan niyang magsagawa ng threat assessment sa kani-kanilang lugar dahil pa rin sa magkakasunod na insidente ng pamamaril sa ilang local executives.

Samantala, dahil pa rin sa walang habas na pamamaslang kay Negros Oriental Governor Degamo kung saan nadamay pa ang ibang indibidwal ay ipinag-utos na ni Sec. Abalos ang agad na pagpapatupad ng balasahan sa mga local police officials sa Bayawan City sa nasabing lalawigan.

Kung maaalala, una nang inamin ng pambansang pulisya na nagkaroon ng kapabayaan at pagkukulang sa pagpapatupad ng seguridad sa lugar ang local police dahilan kung bakit madali lamang na nakapasok ang mga suspek sa lugar pati na rin sa mismong compound residence ni Degamo kung saan siya pinagbabaril ng mga ito at gayundin ang iba pang biktima na nadamay lamang sa nasabing krimen.