Iginiit ng grupong Philippine Sugar Millers’ Association Inc. (PSMA) na hindi na kailangang umangkat pa ng asukal sa susunod na taon.
Ito ay dahil na rin sa umanoy pagbaba ng demand sa asukal ngayong taon, na posibleng magpatuloy pa sa 2024.
Ayon kay PSMA executive director Jesus Barrera, simula nag-umpisa ang kasalukuyang season ay mababa na ang demand sa asukal kung saan bumaba ng 23% ang demand sa raw sugar habang 10% naman ang ibinaba ng refined sugar.
Dahil sa mababa at patuloy na bumababang demand aniya, posibleng lalo pang tumaas ang stock kada linggo, lalo na ang lokal na asukal, kayat maaaring magkaroon ang bansa ng sapat na stock sa susunod na taon.
Dahil dito ay hindi na kailangan aniya na bumili pa ng asukal ang pamahalaan mula sa ibang mga sugar-producing countries, dahil sa tiyak lamang umanong magdudulot ito ng problema sa mga magsasaka ng bansa.
Ayon pa kay Barrera, sa kasalukuyan ay lagpas na sa peak ng milling season at nananatili pa rin ang mataas na supply.
Samantala, sinabi ng SRA na mas maganda ang stock ng asukal sa bansa ngayong taon kumpara sa supply sa nakalipas na taon. Ito umano ay mas matatag ng 200% na nangangahulugan ng mataas na stock na maaaring ilabas anumang oras.