-- Advertisements --

Binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang desisyon ng Department of Agriculture (DA) na umangkat ng sibuyas sa kalagitnaan ng harvest season.

Ayon kay KMP chairperson Danilo Ramos, dahil sa patuloy na umaasa ang pamahalaan sa importasyon bilang isang band-aid solution, hindi napipigilan ang paglobo ng presyo ng mga agricultural products sa bansa.

Giit ni Ramos, ang panibagong pag-angkat ng sibuyas habang nasa kalagitnaan ng anihan ay tiyak na magpapalugi sa mga magsisibuyas ngunit papabor sa iilang importer.

Inihalimbawa ng grupo ang nangyari noong 2022 kung saan pumalo sa mahigit P700 ang kada kilong presyo ng sibuyas.

Ayon sa grupo, ang 2022 onion crisis ay resulta ng cartel manipulation at kabiguan ng pamahalaan na pigilan ang pagtatago ng supply, lalo na mula sa mga importer.

Ayon naman sa Fedaration of Free Farmers, wala sa timing ang desisyon ng kagawaran.

Giit ng grupo, nagsimula na ang anihan ng sibuyas sa mga pangunahing taniman sa bansa tulad ng Pangasinan, Occidental Mindoro, at Nueva Ecija, at ang libo-libong tonelada ng sibuyas na aangkatin ay tiyak na makaka-apekto sa farmgate price ng sibuyas, bagay na lalong ikakalugi ng mga magsasaka.

Katwiran ng grupo, nahaharap na ang mga magsasaka sa mataas na presyo ng mga farm inputs, kasama na ang pananalasa ng mga harabas o army worms.

Bago nito, inaprubahan ng liderato ng DA ang pag-angkat sa apat na libong metriko tonelada ng sibuyas.