LEGAZPI CITY – Duda ang grupo ng mga magsasaka sa naging anunsyo ng gobyerno na posibleng maibalik ang pagbebenta ng bigas ng National Food Authority sa halagang P30 lamang ang kada kilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Cathy Estavillo ang tagapagsalita ng grupong Bantay Bigas, malabo ng makapagbenta pa ang ahensya ng ganito kababang bigas lalo’t nasa P60 na ang presyo ng kada kilo sa mga palengke.
Nangangamba rin ang grupo na posibleng maapektohan pa ang kabuhayan ng mga magsasaka lalo na kung pabababain ang bili ng palay para lang maabot ang mababang presyo ng bigas.
Panawagan ng grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na alisin na lang ang Rice Tarrification Law na pumapayag sa unlimited na pag-import ng bigas mula sa ibang bansa.
Ito umano ang nagpapamahal sa presyo ng bigas at nagiging kakompetensya ng mga lokal na magsasaka.
Kailangan rin umano ng dagdag na suporta para sa mga magsasakang Pilipino lalo na ngayong nahaharap sa mahirap na sitwasyon ang bansa dahil sa epekto ng El Niño.