-- Advertisements --

Hiniling ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na repasuhin at tuluyan nang bawiin ang Executive Order 62, ang regulasyon na nagpapababa sa taripang kinokolekta sa mga imported na bigas.

Ito ay sa gitna na rin ng plano ng Department of Agriculture na pagdedeklara ng food security emergency for rice.

Apela ni SINAG Executive Director Jayson Cainglet na panahon na upang irekomenda ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang tuluyang pagbawi sa naturang regulasyon at ibalik ang mas mataas na taripa sa imported rice.

Ito ay upang lalo pang tataas ang kita ng pamahalaan sa mga pumapasok na imported rice kung saan malaking bahagi ng kita ay mapupunta sa mga magsasaka bilang government assistance.

Hinikayat din ni Cainglet ang National Price Coordinating Council (NPCC) na repasuhin ang naturang measure dahil sa wala naman itong naitulong sa loob ng ilang buwan na pagpapatupad dito.

Una nang sinabi ng DA na kasalukuyan ang pagrepaso sa EO 62 bilang bahagi ng regular review na gagawin rito, salig na rin sa itinatakda ng batas.

Giit ni Cainglet na bagamat nakikiisa ang SINAG sa hangarin ng pamahalaan na mapababa ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng iba’t-ibang paraan, kabilang na ang deklarasyon ng food security emergency kung kinakailangan, hindi aniya akma na umasa ang gobiyerno sa importasyon ng mga pangunahing pagkain tulad ng bigas, bagay na pinapaburan sa ilalim ng EO 62.