LEGAZPI CITY – Sinisisi ng grupo ng mga magsasaka ang ipinatupad na Rice Tarrification law ng gobyerno kung kaya nangunguna na ngayon ang Pilipinas pagdating sa importasyon ng bigas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Danilo Ramos ang Chairperson ng Kilusang Mambubukid ng Pilipinas, simula ng ipatupad ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang batas noong taong 2019 ay bumaha na ng mga imported na bigas sa bansa.
Hindi na ikinabigla pa ng grupo ang lumabas sa data ng United States Department of Agriculture na nasa 8.8 million metric tons ang naimport na bigas ng Pilipinas noong taong 2023, na malayo kumpara sa mas mayaman at mas malaking bansa ng China na bumili lang ng nasa 2.8 million metric tons.
Nangangamba ang grupo na kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon ay lalo lamang na maghihirap ang mga magsasakang Pilipino at magmamahal ang presyo ng bigas na umaabot na ngayon sa P60 ang kada kilo.
Panawagan ng grupo na tanggalin na ang Rice Tarrification Law upang mapigilan ang labis na importasyon ng bigas imbes sa mga lokal na magsasaka na lamang bumili.
Suportado rin ng Kilusang Mambubukid ng Pilpinas ang isinusulong ngayon sa Senado na pagbabalik ng kapangyarihan ng National Food Authority na makapagbenta ng murang bigas sa merkado.