Naghain na ng petisyon ang ilang grupo ng mga magsasaka upang hilingin sa Korte Suprema ang pagharang sa pagpapatupad ng Executive Order No. 62.
Ang EO 62 na inilabas ni PBBM ay ang pormal na pagpapababa sa taripang sinisingil sa mga inaangkat na bigas mula sa kasalukuyang 35% patungo sa 15%. Magtatagal ito hanggang sa taong 2028.
Kabilang sa mga natungo sa Korte Suprema upang pormal na maghain ng petisyon ay ang grupong Samahang Industriya at Agrikultura(SINAG), Federation of Free Farmers, at MAGSASAKA Party-list.
Hinihiling sa petisyon ng mga grupo ang paglabas ng Temporary Restraining Order(TRO) bago pa man ang napipintong implementasyon ng EO 62 sa July 6, 2024.
Nanindigan ang grupo na hindi magiging mabisa ang EO 62 para maibaba ang presyuhan ng bigas sa mga merkado dahil ang ibang mga bansa pa rin ang posibleng magpapasya o magdidikta sa presyuhan ng kanilang ibebentang bigas.
Iginiit din ng grupo na hindi dumaan sa akmang konsultasyon ang tuluyang pagtapyas ng taripa ng imported rice, bago pa man ito inaprubahan
Una nang nangako ang mga naturang grupo na haharangin nila ang implementasyon ng EO 62 kasabay ng paglabas nito noong kalagitnaan ng Hunyo.
Sa panig naman ng Department of Agriculture, nagbabala noon si Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na maaaring magkaroon ng rice shortage sa bansa kung maglalabas ang SC ng 60-day TRO laban sa implementasyon nito.
Maalalang inilabas ang naturang order sa pagnanais ng administrasyong Marcos na mapababa ang presyo ng mga panindang bigas sa merkado. Inaasahang sa pamamagitan nito ay bababa ng mula P6 hanggang P7 ang kada-kilong presyo ng bigas.