Nababahala ngayon ang ilang grupo ng mga magsasaka matapos na ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglalagay ng price ceiling sa dalawang uri ng bigas.
Ayon sa Federation of Free Farmers,malinaw na magdudulot ito ng pagbaba sa presyo ng palay at maglalagay sa kanila sa alanganing sitwasyon.
Kung maaalala, naglabas ng Executive Order ang punong ehekutibo na nag-uutos sa pagtatakda sa presyo ng bigas mula 41 pesos para regular milled rice at 45 pesos per kilo para sa well-milled rice.
Layunin nitong mapigilan umano ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado at ito ay nakatakdang ipatupad sa September 05 ng kasalukuyang taon .
Hindi ito ikinatuwa ng Federation of Free Farmers dahil bumaba na umano ng 3 pesos ang kada kilo ng Palay sa Pampanga at Sultan Kudarat.
Ayon kay Raul Montemayor, national manager ng Federation of Free Farmers, lalo pang bababa ang presyo ng palay.
Aniya, mali ang mensahe na ipinapalabas ng naturang Executive Order dahil mas lalo nitong maapektuhan ang produksyon ng bigas at posible pang bumaba ang produksyon nito sa 20% kada araw.
Nanawagan rin ang opisyal sa gobyerno na tugisin ang mga nagmamanipula sa presyo ng bigas sa merkado at hindi ang mga magsasaka.