-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nangangamba ang grupo ng mga magsasaka na malugi dahil sa plano ng gobyerno na tapyasan ang taripa sa imported na bigas.

Base sa naging anunsyo ng National Economic and Development Authority mula sa kasalukuyang 35% planong gawin na 15% na lamang ang taripa para sa mga bigas na aangkatin mula sa ibang bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Cathy Estavillo ang tagapagsalita ng grupong Bantay Bigas, imbes na makatulong ay lalo lamang na magpapahirap sa buhay ng mga magsasaka ang planong ito ng gobyerno.

Imbes kasing sa mga lokal na magsasaka bumili ang mga negosyante at traders ay mas pipiliin na lamang nito na mag-import mula sa ibang bansa.

Duda rin ang grupo na makatutulong ang importasyon upang mapababa ang presyo ng bigas sa Pilipinas at sa halip ay mas lalo pa itong magmamahal dahil sa mataas na presyo sa world market.

Panawagan ng grupo na imbes na umasa sa importasyon, mas magandang palakasin na lamang ang produksyon ng mga lokal na magsasaka.

Makakapagbigay na ng kabuhayan sa mga Pilipino, mapapataas pa ang suplay ng bigas at tiyak na mas mapapamura ang presyo ng mga bilihin sa bansa.