Pinagpapaliwanag ng grupong Federation of Free Farmers (FFF) ang National Food Authority (NFA) ukol sa dahilan ng pagsikip sa mga bodega nito.
Ito ay kasunod na rin ng plano ng Department of Agriculture (DA) na pag-decongest sa mga bodega ng ahensiya sa pamamagitan ng pagbebenta ng 300,000 tonelada ng mga bigas na bahagi ng buffer stock ng bansa.
Ito ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit plano ng DA na ideklara ang food security emergency sa bansa.
Katwiran ng grupo ng mga magsasaka, ang lahat ng bodega ng NFA ay may kabuuang storage capacity na 1,200,000 tonelada ng palay o bigas.
Tanong ng grupo, saang bodega nagkakaroon ng congestion o pagsikip dahil sa mataas na bulto ng local rice?
Inihalimbawa ng grupo ang Occidental Mindoro kung sakaling may mataas na bulto ng bigas. Tanong ng grupo, hindi ba maagang naipadala sa ibang bodega ang bulto ng bigas sa naturang probinsya para sana ma-accommodate ng ibang bodega ng NFA?
Maaalalang sa naunang pahayag ng DA ay aabot sa 300,000 metriko tonelada ng mga bigas na mahigit dalawang buwan nang nasa bodega nito ang target na maibenta sa mga lokal na pamahalaan.
Naniniwala ang DA na ang pagpapalabas sa naturang bulto ng bigas ay makakatulong upang mapababa ang presyo nito, bagay na pangunahing problema ngayon sa rice industry ng bansa.