Pinuna ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang labis na pagtaas ng presyo ng kamatis sa Metro Manila.
Lumalabas sa monitoring ng DA sa retail price ng mga kamatis sa Metro Manila na umaabot na sa P310 ang kada kilong presyo nito. Ito ay bahagyang mas mababa kumpara sa P360 na presyo nito sa pagtatapos ng New Year celebration.
Pero ayon kay SINAG Executive Director Jason Cainglet, hindi dapat lumagpas pa sa P200 ang kada kilong presyo ng kamatis sa kamaynilaan.
Katwiran nito, bumagsak na ng hanggang 40% ang farmgate price ng kamatis mula sa dating P180 hanggang P200 kada kilo at naging P90 hanggang P120 kada kilo.
Aniya, nangyari ito dahil sa maagang pag-aani ng mga magsasaka sa kanilang pananim na kamatis.
Ang nagiging problema aniya ay ang logistics tulad ng pagbibiyahe sa mga ito patungo sa mga merkado sa Metro Manila mula sa mga probinsyang may mataas na produksyon ng kamatis.
Una nang sinabi ng DA na walang plano ang pamahalaan na magpataw ng suggested retail price (SRP) sa mga panindang kamatis sa kabila ng labis na paglobo ng presyo nito.