-- Advertisements --

Kinondena ng mga miyembro ng anti-communist groups ang 53 taon ng kalupitan na ginawa ng CPP-NPA-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at ng mga front organization nito.

Ito ay matapos na ipahayag ng New People’s Army (NPA) na ang planong “intensified recruitment” sa mga kabataan na nagdulot naman ng pagka-alarma ng isang grupo ng mga magulang.

Ayon kay League of Parents of the Philippines (LPP) chairperson Remy Rosadio, walang dapat na ipagdiwang tungkol sa pagtatangkang wasakin ang buhay ng mga Pilipino, lalo na sa mga kabataan.

Tanging ang karahasan lamang daw ng komunistang grupo sa loob ng 53 taon ang nagugunita sa araw ng anibersaryo nito kabilang na ang mga isinakripisyong buhay ng kabataan dahil lamang sa walang halagang ideolohiya nito.

Binigyang diin rin ni Rosadio na maraming mga magulang ang nagdadalamhati pa rin hanggang ngayon nang dahil sa pagkawala ng kanilang mga anak matapos ang mapanlinlang na recruitment ng legal front ng CPP-NPA-NDF.

Sa kabila nito ay nagpahayag naman ng pag-asa ang LPP na matigil na ang kalupitan ng nasabing komunistang grupo at siguraduhing hindi na ito magdiwang pa muli ng kanilang anibersaryo sa susunod na taon dahil isang bansang walang komunista ang nais daw nila para na rin sa kapakanan ng susunod na henerasyon.

Magugunita na una rito ay ipinag-utos ng CPP sa NPA na magsagawa ng paglusob sa kanilang mga kalaban sa ilang lugar sa bansa kasabay ng paggunita sa kanilang ika-53 taon ng anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang samahan na binuo naman ng United States, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand, at Pilipinas.