-- Advertisements --
dole

Nais ng grupo ng mga manggagawa na sumailailam sa agarang tripartite dialogue para talakayin ang nakabinbing petisyon para sa pagtaas ng sahod.

Ikinatuwa ng labor group na Kapatiran ng mga Unyon at Samahang Manggagawa ang pahayag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na sinusuri ng gobyerno ang P100 wage hike petition.

Gayunman, iginiit ng Kapatiran na hindi pa sila kinonsulta ng Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa kanilang hinihiling na dagdag-sahod.

Nanawagan ang grupo sa Department Of Labor and Employment (DOLE) na agad na magpatawag ng tripartite meeting para pag-usapan ang dagdag sahod sa gitna ng tumataas na inflation.

Umaasa naman si Kapatiran president Rey Almendras na kasama sila sa konsultasyon lalo pa’t kabilang sila sa petitioner sa P100 wage increase sa National Capital Region wage board.

Idinagdag ni Almendras na dapat dinggin ni Laguesma ang kanilang panawagan para sa isang tripartite meeting, maliban na lamang kung nais lamang ng labor chief na makipag-usap sa mga employer.

Tila labis na nag-aalala si Laguesma na kailangang gumawa ng balancing act ang gobyerno sa demand ng wage hike.

Noong nakaraang linggo, iniulat ni Laguesma na ang iba’t ibang wage boards sa buong bansa ay nagsasagawa na ng mga konsultasyon at sinusuri ang umiiral na minimum wage rates.

Naghain naman ang Kapatiran noong Disyembre ng nakaraang taon ng pormal na petisyon na humihingi ng P100 na pagtaas ng sahod upang mabawi ng mga manggagawa ang kanilang nabawasan na purchasing power.