Patuloy na umaani ng batikos mula sa grupo ng mga manggagawa si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma sa tila pagtutol nito sa mga panukalang batas para sa taas sahod.
Ayon kasi sa kalihim nakabinbin pa sa kongreso ang legislated wage hike bills at kapag maaprubahan aniya ito ay maaaring magdulot ng pagkasisante ng mga manggagawa na posibleng humantong sa pagsipa ng inflation at magresulta sa pagtamlay ng gross domestic product (GDP) growth.
Hindi naman nagustuhan ng grupong Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (Sentro) ang naturang posisyon ng kalihim at inilarawan ang patuloy na pagtutol ng DOLE sa wage hike bills bilang betrayal o pagtataksil sa mga manggagawa.
Sinabi pa ni Sentro secretary general Joshua Mata na hindi sumasalamin sa prinsipyo ng tripartism at social dialogue ang posisyon ng DOLE chief kundi tila nagiging tagapagsalita na aniya ito ng mga employer sa halip na dapat ay wala itong pinapanigan bilang kalihim ng DOLE.
Kaugnay nito, nanawagan ang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tugunan ang pasanin ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagtugon sa ugat ng kahirapan at ang talamak na mababang sahod ng mga manggagawa na anila’y hindi na sapat sa kasalukuyan para mabuhay ng desente.
Pinagbibitiw din ng grupo si Sec. Laguesma kung patuloy aniya itong humahadlang sa inisyatibo para sa taas sahod at hayaan na lamang ang pamahalaan na gawin ang mandato nito.
Sinabi din ng grupo na kailangan ng mga manggagawa ng gobyerno at kalihim sa paggawa na seryosong po-protektaha at isusulong ang interes ng mga manggagawang Pilipino.